Kontakin si G. Noel de Leon

E-mail Address:
ngdleon@yahoo.com
kasingkasingpress@yahoo.com
Mailing Address:
University of the Philippines Visayas,
Gen. Luna St., 5000, Iloilo City,
College of Arts and Sciences,
Division of Professional Education,
U.P. High School, Iloilo Campus

 

 

Panitikang Akeanon: Panayam kay Alexander dela Cruz de Juan

Si Alexander dela Cruz de Juan (Oct. 17, 1976) ay isa sa mga mahalagang manunulat ng bansa partikular sa panitikang Akeanon. Nagtapos ng kaniyang undergrad sa UP Visayas taong 2000 at may master of arts sa Filipino-Panitikan sa UP Diliman noong 2003. Sa ngayon kasalukuyan niyang tinatapos ang kaniyang master of arts in education major in English sa Aklan State University, Banga, Aklan.

Si de Juan ay nakapagturo na rin sa iba’t ibang institusyon sa loob at labas ng Aklan. Kasalukuyan siyang instructor sa Aklan Catholic College ngayon ngunit naging parti rin ng De La Salle University Press bilang editorial assistant (June 2001 hanggang Feb. 2004), chief of staff ng Office of the SK-Aklan Provincial (June 1998 hanggang May 2001), assistant editor ng The Aklan Reporter (April 1992 hanggang April 1993) at artistic director ng iba’t ibang theater groups sa Aklan (1993 hanggang 1998).

Ilan sa mga napagwagiang patimpalak ni de Juan ay ang mga sumusunod. Nasungkit niya ang 1st place para sa All-West Visayan Poetry Competition ng National Commission for Culture and Arts noong 1996. 1st place rin siya sa Bigkas Binalaybay ng UP Visayas noong 1999. 2nd place naman sa Home Life Magazine Poetry Competition taong 2000. Naging fellow rin siya sa 23rd U.P. National Writers Workshop sa Baguio City noong April hanggang May taong 1994 at Conference on Young Writers and the Literary Tradition na gin-isposoran ng National Commission for Culture and the Arts sa Tagbilaran City, Bohol taong Jan. 2000.

Marami sa mga tula at maikling kuwento ni de Juan ay nabalhag sa iba’t ibang antolohiya at magasin tulad ng 35 Best Aklanon Poets (edited by Melchor F. Cichon, 2009), Matimgas nga Paeanoblion: Anthology of Poems Written by Aklanons (edited by Melchor F. Cichon. Lezo, Aklan: Tierra Alta Publications. 2011), Bigkas Binalaybay: Kritisismo at Antolohiya (Manila: UPV Sentro ng Wikang Filipino and the NCCA, 2008), Filipinos Writing: Philippine Literature in the Regions (textbook) (edited by Bienvenido Lumbera. Manila: Anvil Publishing, 2001), Home Life magazine, Bueabod: The Literary Journal of the Akeanon Literary Circle, 1993 to 1996, Patubas: An Anthology of West Visayan Poetry 1986-1994 (Manila: National Commission for Culture and Arts, 1995), Ani 21: Literary Journal of the Coordinating Center for Literature. Manila: Cultural Center of the Philippines, 1993), Philippine Graphic at The Aklan Reporter.

Ilan sa mga libro ni de Juan ay ang Aklanon of Panay (Katutubo: Profiles of Philippine Cultural Communities) ng National Commission for Culture and the Arts (2010), Balagtasan sa FB [1-4] (Kalibo: RB Print & Copy Center, 2010) at BINAEAYBAY: Sa Ngaean ni Tay Oming (Kalibo: RB Print & Copy Center, 2010).

Noel: Kailan ka nagsimulang magsulat?

De Juan: Noong hayskul, 1991. Produkto ako ng mga palihan ni Dr. Leoncio P. Deriada ng UP Visayas. Dumalo ako sa palihan n’ya sa Aklan noong Nobyembre 1991 at nagustuhan n’ya ang isa kong tula du’n, ang “Taglagas”. At du’n na ko naengganyo pang magsulat nang magsulat, hanggang sa makasulat ako ng dalawang tula sa Inakeanon (Akeanon) at nalathala ito sa The Aklan Reporter, isang provincial newspaper na pinamamatnugutan ni Roman A. de la Cruz (1923-2007). Ang mga tulang ito ay ang “Ro mga Kitikiti sa Benditado nga Tubi” at “Si Juan”. Sinalin ko ito sa Filipino at ipinasa sa Philippine Graphic, at nilathala nila ito noong Nobyembre 1992, 3rd year college ako nu’n. Instant sensation ako sa classmates ko. Du’n ko nasabi sa sarili ko na makata pala ako.

Noel: Sino-sino ang mga naging inspirasyon mo sa pagsisimulang ito?

De Juan: Si Dr. Deriada, at si Tay Oming (Roman A. de la Cruz). Nagtrabaho ako sa kanya bilang Assistant Editor n’ya sa The Aklan Reporter noong 1991-92 at simula nu’n eh palagi na kaming magkasama. Binabasa ni Tay Oming ang kakasulat n’ya lang na mga tula, sanaysay o kwento, at lumuluha s’ya minsan, minsan nama’y nagagalit. Du’n ko nasabi sa sarili ko na normal lang pala ang mga ganito, na ganito pala ang isang makata o manunulat, at normal rin pala ako pag naging ganito na ko balang araw.

Noel: Sino-sino ang mga kontemporaneo mo sa pagsulat sa Akeanon?

De Juan: Sina John Barrios, Melchor Cichon, Arwena Tamayo, George Calaor, Sumra de la Cruz, Rommel Constantino, June Mijares at Monalisa Tabernilla (marami rin pala kami no?). ’Yung iba kong kontemporaneo ay tumigil nang magsulat kaya di ko na ipa-plug.

Noel: Napagsasabay mo ang pagsusulat ng tula at pagtuturo? Mahirap ba ang maging manunulat tapos isa pang guro?

De Juan: Hindi. Enjoy. May audience ka, capture audience, at pwede ka tumula anumang oras sa klase. At singko ang hindi papalakpak.

Noel: Kumusta na ang sitwasyon ng panitikang Akeanon sa mga sandaling ito?

De Juan: Carry lang (sabi nga ng students ko). At dapat kayo ang magsasabi n’yan at hindi ako. Kasi pag sinabi kong aktibong-aktibo ang panitikang Akeanon ngayon, o panulaang Akeanon sa partikular, kasi gumagawa ako ng mga tula sa Facebook, tulad ng DepEd Ranking/Hiring Series of Protest Poems ko (na nasa wikang Filipino lahat, pamagat lang ang Ingles), o ng “Eugta: Aklanon Protest Poetry, 1897-2016 – Part 9 of 1.3 Billion” (na nasa wikang Akeanon at Filipino, pamagat lang talaga ang Ingles, para bang tsika-tsika lang)—lalabas na hambog ako at baka di pa kayo maniwala sa’kin. Tulad halimbawa pag sinabi kong humabi ako ng isang komposo tungkol sa Gyera sa Vivo noong 1897 at pabalik-balik kong pino-post sa FB ang mga linyang “Kura Miraflores, eugta ginahangeab”, kasi may kura paroko dati nung 1897 na land-grabber, tapos ikonek n’yo ngayon sa gobernador ng Aklan na kaapelyido ng kura paroko noon, eh baka mabulilyaso pa ang pinu-push namin ngayon na pagtatag ng Aklan Council for Culture and the Arts, na ako rin ang nagsulat ng ordinansa (na nasa wikang Ingles na, hindi na ’to tsika-tsika).

Noel: Sa obserbasyon mo bilang manunulat-mananaliksik, ano ang namamayaning tema o diskurso ang madalas isulat-pag-usapan ngayon ng mga manunulat na Akeanon?

De Juan: Bukod sa mainit na isyu ngayon sa Aklan na “united leadership” (kampi lahat, so no worries), ’yung bagong tax ordinance kung saan di pa nga nakaka-recover ang probinsya kay Yolanda eh may pataw na ang buwis sa lupa, at may Metro Kalibo pa na mas mataas ang tax, eh wala namang idineklarang Metro Kalibo ang kongreso, Kalibo lang talaga, wala na akong ibang maisip pang tema kasi self-centered ako at wala akong pakialam sa sinusulat ng mga kapwa ko makatang Akeanon. Pero sa dama ko na pareho lang namang tinta ang sinisipsip ng bolpen namin.

Noel: Importante ang siste o humor sa pagsusulat? At litaw na litaw ito sa mga tula mo, halimbawa iyung mga posts mo sa facebook. Ano ang kapangyarihan ng paggamit ng siste o humor kung ikaw ay manunulat na ang isa sa mga avenue ay ang facebook o blog?

De Juan: Live kasi ang audience ng Facebook, parang balagtasan sa Maynila, at parang balitaw dati dito sa Aklan. Kung di maaaliw ang FB audience mo sa’yo, baka langawin ang mala-balagtasan mong pag-emote-emote dito. Humor ang ka-“patid”, utol (kaputol) o utod (sa Hiligaynon) nating mga Pinoy, mula sa mga Propagandista, kina Del Pilar at Rizal, at hanggang kay Butsikek, este, Yoyoy Villame, ay humor ang nagpapasigla-alab sa ating mga lungkot at poot. O Rebolusyon! Rebolusyon! (Napaos ako du’n ha. Sorry, na-carried away lang sa discussion. Saan na nga tayo?

Noel: Sa tingin mo ba mainam na avenue ang facebook o pagba-blogging sa usapin ng pagpasanyog ng panitikan, halaimbawa ang panitikang Akeanon?

De Juan: Oo, partikular na ang Facebook. May instant gratification kasi sa FB. Pag-post mo eh may magla-like agad, at feeling mo ang galing-galing mo na kasi mag nagkagusto agad sa pinost mong tula, o cleavage o abs. At swak na swak ang FB sa balagtasan-style na pagtutula, ’yun bang diskusyon na idadaan sa berso (kahit hindi tula, kahit berso lamang). At ako ’yata ang nagpauso dito ng ganu’n sa FB, ’yung pagtula o pagberso sa comment box. At uto-uto naman ang mga ka-FBigan ko at sunod-sunuran naman sila nga mga kabaliwan ko dito.

Noel: Sa palagay mo, kailangan bang kumuha ng kursong malikhaing pagsulat o sumailalim sa palihan ang nagsisimulang manunulat? Bakit?

De Juan: Hindi. Kasi nasa haraya na natin ang pagtutula. Hindi tayo nagsasabi na galit tayo, kundi “kumukulo ang dugo ko sa’yo”. Nasa salawikain, sawikain, at iba pang katutubong pag-“kain” ang pagkamakata’t malikhain natin.

Noel: Sa tingin mo ba mahalaga ba ang pagsali sa mga patimpalak gaya ng Palanca? Paano ito makatutulong sa isang manunulat?

De Juan: Hindi. Pulitika din kasi ’yan (at titigil na ko at baka ipabagumbayan ako).

Noel: Ano ang opinyon mo sa usaping self-publishing o independent publishing, at/o e-publishing na nagkakaroon na ngayon ng puwang sa mundo ng panitikan at mundo ng publishing? Halimbawa, kung ikaw ay manunulat sa wikang Hiligaynon, Akeanon o Kinaray-a?

De Juan: ’Yan lang naman kasi ang paraan ng isang bagong manunulat para makilala, magka-audience, tapos kill-joy ka pa at pipigilan mo, maawa ka naman. Bahala sila sa tinta nila.

Noel: Sa panitikang Akeanon, paano dapat tingnan ang pagsasalin bilang disiplina?

De Juan: Kailangan. Para maunawaan kami ng mga taga-Maynila na sinasamba naming parang santong dasalan kasi sila ang may gahum para sa santong palimbagan.

Noel: Ano ang opinyon mo sa pagsasalin ng mga akda sa Akeanon pa-Filipino, o dapat ba pa-Ingles?

De Juan: Filipino. Malapit kasi ang istruktura ng dalawang linggwahe sa isa’t isa. Parang magkapitbahay, na isang araw man ang byahe pag barko (Kalibo-Manila), may Facebook o Skype o Messenger naman na Filipino ang usapan at di Kano, este Ingles.

Noel: Sa ngayon, sino-sino sa tingin mo ang mahahalagang manunulat na Akeanon? At ano ang naging ambag nila sa panitikan ng Filipinas?

De Juan: Ako. (Ba’t parang ayaw mong maniwala?) At si John Barrios. At si Melchor Cichon. Si Barrios ang pinakamahusay na kwentista na buhay pa, at si Cichon naman ay mas magaling tumula kaysa kay De Juan (syempre pa-humble effect tayo nang konti para may susunod pang interview).

Noel: Ikaw, bilang manunulat at guro na rin, may ginagawa ka ba upang palusugin at mas lalo pang pagyamanin ang panitikang Akeanon sa panahong halos nilalamon na ang tao ng media?

De Juan: Wala, basta tumutula lang ako. Pag gumaling pa ako sa pagtula, sa’kin na sila makikinig at hindi sa radyo, TV o telepono, este Samsung pala (’yung may promo na free social networking sites).

Noel: Ano ang maipapayo mo sa mga kabataang nagsusulat para sa panitikang Akeanon? Ano ang nakikitang mong paraan upang mas makilala at mapag-usapan sa mas malawak na espasyo ang panitikang Akeanon?

De Juan: Mag-Facebook nang mag-Facebook, mag-FB nang mag-FB, dahil dito, may audience tayo. Pwede rin sa teatro, sa entablado. Tulad ng ginawa kong komposo na “Vivo” na tinanghal ng ACC Teatrong Akeanon. (’Yung ACC ay Aklan Catholic College, konting plugging lang po para di mawalan nang trabaho.)

Noel: Ano ang mga dapat asahan ng mga tagahanga mo sa iyo ngayong papasok na 2015?

De Juan: Wow, tagahanga! Hello fans! Sa 2015 ay busy na ko sa pangangampanya dito sa FB, kasi sa 2016 ay tatakbo akong Barangay Kagawad sa Kalibo. Tapos, Pangulo ng Republika ng Pilipinas sa 2037 o 2040 o 2043 (basta ’yung taon ng Presidential Election) para magkaroon naman ang Pilipinas ng isang Nobel Prize winner for Literature, kasi babaguhin ko ang Aklan at Pilipinas, at gagamit ng Aklanon at Filipino, tulad ng ginawa ni Tagore ng wikang Bengali. Maraming salamat po, mga boss ko!

Si Noel G. de Leon ay lektyurer sa Unibersidad ng San Agustin sa ilalim ng Departamento ng mga Wika at Humanidades. Siya ang awtor ng librong Isang Botelyang Alaala at iba pang mga tula na inilimbag ng Seguiban Printing & Publishing Enterprises, Inc. (2014) sa syudad ng Iloilo. Ilan sa kaniyang mga panayam ng mga manunulat ng Filipinas ay mababasa sa https://kalatasliteraryezine.wordpress.com, ang opisyal na publikasyon ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL).

SFF: Anak ng Tayho

tayho_the_philippine_demon_horse

Daanan kuno ang aming balay ng aswang ayon kay Lola Mildred. Noong nakaraang taon bago maghiwalay sina mama at papa, paulit-ulit na ipinaalala ng mama kay Bunso na h’wag na h’wag lumabas ng balay tuwing bilog ang buwan. Bukod sa delikadong maabutan ng aswang; may mga di maipaliwanag na elemento rin diumano na nagkalat na puwedeng makasalubong at magdala ng malas o disgrasya. Patay na ang Lola Mildred ngayon, may bago ng asawa ang papa at mukhang tumanda ng sampung taon ang mama matapos malamang buntis ang kinakasama ng papa na bata sa kaniya ng halos sampung taon. Nasa balay pa rin kami ni Bunso kasama ang anak nito sa tayho, ang totoo kamukhang-kamukha nga ng papa.

Tayho (Tikbalang) is a creature of Philippine folklore said to lurk in the mountains and forests of the Philippines. It is generally described as a tall, bony humanoid creature with disproportionately long limbs, to the point that its knees reach above its head when it squats down. It has the head and feet of an animal, most commonly a horse. It is sometimes believed to be a transformation of an aborted fetus which has been sent to earth from limbo (from Wikipedia).

Sanaysay: Nakabubusog ang TBO

Nanood ako ng konsert ng Taiwan Bamboo Orchestra (TBO) kanina sa USA Oditoryum. Kasama ko ang mga estudyante ko at ilang titser mula sa Departamento ng mga Wika at Humanidades. Tayming ang konsert na ito sa aralin na tinatalakay ko sa klase ko nitong nakaraang semana. Sabi ko kasi sa mga estudyante ko, importante ang eksposyur kung gusto mong pagbutihin ang isang bagay sa iyong sarili. Halimbawa kung gusto mong maging manunulat kailangan ay nagsusulat ka palagi at nagbabasa ng mga gawa ng iba, kung gusto mo namang maging magaling na pintor kailangang nagpipinta ka araw-araw, at kung gusto mo namang maging magaling na mang-aawit ay kailangang kumakanta ka oras-oras. Nang marinig nila ang mga salitang araw-araw at oras-oras ay nagsitawanan sila, akala siguro nila ay nagbibiro ako nung sabihin ko iyon.

Seryoso ako, sabi ko sa kanila. Pangangailangan at importante na naiikspows natin ang sarili natin sa mga bagay na gusto nating gawin sa buhay, sa pagsusulat man, pagpipinta, pagkanta o pag-arte. Malaki ang naitutulong nito para mapagbuti natin ang ating talento at siyempre pati ang ating sarili, ang ating pagkatao. Nang tanungin ko sila kung ano ang gusto nilang maging sa hinaharap, parang marami bigla ang na konfyus. Nakonfyus kung ipagpapatuloy ba nila ang mga kurso nilang Arkitektyur, Farmasist, Akawntant o HRM, kaya nang mabakas ko sa kanilang mukha ang pagkadismaya, agad akong nagsabi na puwede ka namang maging arkitektyur na singer, farmasist na makata, akawntant na pintor o HRM na artista, basta ang importante alam mo sa sarili mo kung ano talaga ang gusto mong gawin sa buhay.

Bago magtapos ang klase, ginservey ko sila, tinanong ko, kung papipiliin kayo sa dalawang bagay ano ang pipiliin niyo, ang maging titser o maging artista? Nagtawanan ulit, akala na naman siguro ay nagbibiro ako, inulit ko ang tanong sa mas seryosong boses, kung papipiliin ko kayo ngayon, ano ang gugustuhin niyo ang maging titser o artista? Siyemre, mas marami ang gustong maging artista kesa titser, ekspekted ko iyun. Hindi ka raw yayaman sa pagiging titser, maliitang sweldo na hindi kayang magpatayo ng maliit na bahay, nakaiistres daw at parang nakapapagod. Sabi ko sa sarili, alam na alam ng mga estudyanteng ito ang buhay ng isang guro, kaya siguro hindi sila kumuha ng kursong may kinalaman sa edukasyon. Pero para tapusin ang klase sa isang mas kritikal na tagpo, nagbitaw ako sa kanila ng isang medyo seryosong pahayag, ‘ika ko artista rin ang maging titser ha, pero imbes na mag-isip sila, naku, natapos ang klase ko na puno ng halakhakan.

Kaya nang imbitahin ako ni Mrs. Punay sa fakulti rum na bumili ng tiket para sa Philippine Concert Tour ng TBO sa San Agustin sa Biyernes, naisip ko agad ang mga estudyante ko na mahilig kumanta, mga estudyante ko na sa tingin ko ay may talento sa pagkanta, ginteks ko agad ang presidente ng bawat klase ko na sabihin sa mga kaklase nila na may mangyayaring konsert sa USA Oditoryum, konsert ng TBO na minsan lang mangyari kaya daluhan nila kung kaya ng badjet. Mura lang naman ang tiket, 75 pesos para sa dalawang oras na konsyerto, dagdag ko pa para kahit paano ay maengganyo ko sila.

Impunto ala-sais ay nagsimula ang konsert, unang tunog pa lang ay sigawan na ang mga tao sa galing at husay ng TBO. Sa totoo lang, hangang-hanga ako sa TBO sa loob ng dalawang oras na panonood sa kanila, napakalinis ng tunog, may disiplina ang galaw sa entablado, planong-plano ang lahat ng kumpas mula nung tugtugin nila ang General’s Command, Suite of American Folk Music, Melody from Remote Frontiers, Koum Tara at PuAyi (Memory) bilang pagsisimula hanggang tugtugin na nila ang mga pamilyar na musika sa aming mga nanonood, Bayan Ko, Dandansoy, at Bahay Kubo. Kumanta ang lahat ng mga nanonood, sabay-sabay, damang-damang ko nung mga oras na iyon ang galak na maging isang Filipino.

Isa ito sa mga bagay kung bakit nakakaprawd maging Agustino, malaki ang ibinibigay na suporta ng universidad sa mga ganitong klaseng gawain, kaya hindi rin mapipigilan ang ginagawang kontribusyon ng USA Troubadours at USA Little Theatre sa pagpapalusog ng kultura at sining sa loob at labas ng universidad. Natapos ang konsert na nakangiti ang lahat, gutom pero parang busog, sabi ko kay Mrs. Punay, nakabubusog ang musika ng TBO, hindi ko alam kung naintindihan niya ang sinabi ko sa kaniya pero alam kong tulad ko masaya rin siyang lumabas ng oditoryum.

Kongrats Dr. Wu Shin-Yin, grup lider ngTBO at sa bumubuo ng TBO, sayang at wala akong kamerang dala para magpapiktyur sana kina Luo Cheng-Hun, Liou Zong-Yue at Chen Yu-Hsin na bumusog naman sa aking mata dahil sa agaw atensyon nilang kagwapuhan.

Hindi ako binigo ng mga estudyante ko, hindi nila ako binigo na kahit hindi sila kompletong nanood, ang importante ay nakita ko ang mga pamilyar nilang hitsura, lalo na iyung mga estudyante ko na naaabutan kong sabay-sabay na kumakanta limang minuto bago ang oras para sa Filipino 101. Hindi ko maipaliwanag ang saya ko nung oras na iyun, iyung panahon na nakikita mong nasa iisang bulwagan kayo para saksihan ang pagtatanghal ng mga kapatid nating Taiwanis habang tinutugtog ang mga awiting pamilyar na pamilyar sa ating mga Filipino. Kumindat ako sa mga estudyante ko sabay bulong sa hangin, eksposyur, eksposyur.

 

VML Subdivision

Syudad ng Iloilo

8 Agosto 2014

Salin sa Filipino: “May Isa ka Kuring nga Hari” ni Alice Tan-Gonzales

May Isang Haring Pusa

(May Isa ka Kuring nga Hari)

Maikling Kuwentong Pambata sa Hiligaynon ni Alice Tan-Gonzales

Isinalin sa Wikang Filipino ni Noel G. de Leon

PDF: MAY ISANG HARING PUSA, SALIN SA FILIPINO NI NOEL G. DE LEON

Ngumiti si Mama Ella at nag-igham. ‘Ika niya:

“May isang haring pusa

Buntot niya’y balibali

Gustong n’yong makinig

Magkukuwento ako?”

“Opo! Opo! Magkuwento po kayo!” sigaw ng mga katsuri.

Ngumiti ulit si Mama Ella ang pinakamatalinong daga sa bahay at nanay ng mga giting. Nag-igham ulit. Pagkatapos, nagsimula na sa pagkukuwento. Ito ang kaniyang kuwento.

MAY isang pusang hari ng mga pusa sa isang malaking bahay. Ang tag-iya ng bahay ay si Manay Conching na isang laon. Si Manay Conching ay mahilig magdala ng mga pusa na nasa kalye at walang tag-iya. Sa bahay ni Manay Conching, may labing limang mga pusa at si Baling, ang kanilang hari.

Hambog na pusa si Baling. Ipinagmamalaki niya palagi ang kaniyang malaking katawan na palagi niyang ginahiyod-hiyod. Ipinagmamalaki niya ang kaniyang kulay gintong balahibo at ang mga mata niyang kulay asul na tila umiilaw sa gabi kung masinagan ng liwanag. Pero nahihiya siya sa kaniyang buntot na mahaba at balibali na kung titingnan ay parang nabali.

Si Baling ang pinakamalaking pusa sa bahay ni Manay Conching at siya ang pinakamabangis. Mapintas siya at mapagmalaki. Walang pusa sa bahay na lalaban sa kaniya, natatakot silang pumasok sa bahay kung nasa loob si Baling, kaya sa malapad na balkonahe na lamang ng bahay sila sumisilong. Kung lumalabas si Baling sa kalsada kahit aso ay umiiwas sa kaniya para makipag-away.

Siyam halos na mga pusa ang asawa ni Baling sa bahay. Kung may lalaking lalapit sa kaniyang mga asawa, sumisigaw si Baling ng “MIAAAWWWW!!! at lumalaki ang kaniyang katawan na parang tigre. Natatakot talaga sa kaniya ang mga lalaking pusa sa bahay kaya sa kalsada na lamang sila naghahanap ng kanilang aasawahin.

Kahit mga daga sa loob ng bahay nanginginig palagi kay Baling. May mga pusa sa bahay na puwede nilang daan-daanan, pero si Baling ay hindi kailanman nagpadaan. Kung may makikita si Baling na daga wala itong ligtas rito. Ilang daga na rin ang napapatay nito. Ang pinakahuli niyang pinatay ay si Samuel, ang pinakamabait na daga sa bahay. Naabutan niya si Samuel na naliligaw ng uwi sa salas papasok ng maliit na butas sa baba ng apardor malapit sa kusina.

Nang mamatay si Samuel ay nag-usap-usap ang lahat ng daga kung paano sila makagaganti sa salbahing pusa. Matagal ang kanilang pag-uusap, nahirapan silang isipin kung paanong ang maliliit na daga na tulad nila ay makagaganti sa napakalaking pusa at mabangis pa. May nagsabi na lasunin nila sa Baling. Pero saan sila kukuha ng lason? May nagsabi ring ipakulam nila si Baling para mangayat nang mangayat hanggang sa mamatay ito. Pero saan sila maghahanap ng mangkukulam? May nagsabing kagatin na lamang nila sa tainga si Baling habang natutulog. Pero delikado iyun. Nag-isip pa sila.

Sa huli, nagsalita ang pianakamatalino sa lahat: “Si Baling ay palaging nakatungtong sa kaniyang trono sa itaas ng aparador. Doon siya madalas magpahinga at matulog. Sa ilalim ng aparador andoon ang butas na lulusutan natin pabalik sa ating kampo. Ang buntot ni Baling palaging nakabitin sa gitna ng dingding at aparador.”

“Ay, Oo!” sagot ng batang katsuri. “Magagawa nating makagat ang buntot ni Baling ng di niya tayo nahuhuli.”

“Oo! Oo!” sagot ng iba.

“Hindi,” sagot ng pinakamatalino. “Hindi tayo n’yan makapaghihiganti ng maayos. Ang gagawin natin kikitkitin natin ang dalawang paa ng aparador sa dingding banda para matumba at maipit ang buntot niya.”

“Tama! Tama!” sigaw ng iba.

“Uunahin nating kitkitin ang isang paa ng aparador para nakatayo pa rin. Pagkatapos, hihintayin nating natutulog si Baling sa itaas habang ang kaniyang buntot ay nakabitin sa pagitan ng dingding at aparador. Kikitkitin natin agad ang isang paa ng aparador. Sa biglang pagsandal ng aparador siguradong maiipit tiyak ang buntot nito,” paliwanag ng pinakamatalino.

“Yoohoo!” sigaw ng mga natutuwang daga. Makapaghihiganti na rin tayo sa wakas kay Baling!”

Nung araw ding iyun, habang wala pa ang mga pusa sa kusina, nagsimula sila sa pagkitkit sa paa ng aparador. Nang marinig nila ang paghilik ng natutulog na pusa, pinagpatuloy nila ang pagkitkit sa paa ng apardor. Pero nakatayo pa rin ito. Pinagpatuloy nila ang pagkitkit sa isa pang paa hanggang sa naputol ito. Biglang sumandal ang aparador sa dingding. At naipit ang buntot ni Baling.

Nagulat ang mga tao sa loob ng bahay. Nakita nila si Baling na nagapalak pero hindi ito makaalis sa itaas ng apardor dahil naipit ang buntot nito. Nagsala-sala ang mga tao sa pagtulong kay Baling. Nagtawanan at nagpakasaya ang mga daga dahil natuloy at nagtagumpay sila sa kanilang plano.

Nakuha naman ng mga tao ang naipit na buntot ni Baling, nabali ang buntot ni Baling sa dulo banda. Naging dalawa ang bali sa buntot ni Baling. Nahihiya talaga siya dahil kung may makakita sa kaniya baka magsabi sila ng “Ay, ano kayang klaseng pusa ito at balibali ang kaniyang buntot?”

Mula noon, hindi na namamasyal si Baling sa kalsada. Kung may bisita sa bahay ni Manay Conching, nasa gilid lang sia o kaya ay nagtatago sa kusina dahil sa hiya.

Doon natapos ang kuwento ni Mama Ella. Dagdag pa niya:

“Masarap sa pakiramdam ang paghihiganti ng mga daga sa pusang hari.”

Alam ni Mama Ella na nakikinig si Baling na nakayuko sa gilid ng aparador na pinabawasan ni Mama Conching ang mga paa. Doon siya nagkuwento sa baba ng aparador upang marinig siya ng pusang hari. Alam niyang umiinit ang ulo ni Baling sa pakikinig sa kaniyang kuwento.

“Isa pa, Mama Ella! Magkuwento ka pa!” sigaw ng lahat.

“O, sige,” sagot ni Mama Ella na nakangiti. Nag-igham siya at nag-umpisa:

“May isang haring pusa

Buntot niya’y balibali

Gustong n’yong makinig

Magkukuwento ako?”

“Oo! Oo!” sigaw ng mga katsuri.

Nag-igham ulit si Mama Ella, ngumiti, at nagkuwento: “May isang pusang hari ng mga pusa sa . . .”

“Miyaaawww!” sa galit ay lumundag si Baling at hinanap sa baba ng aparador kung saan nagkukuwento si Mama Ella sa mga katsuri at dahil mababa na ang paa ng aparador ay di na sila natakot pang baka maabot ng pusa.

“. . . isang malaking bahay,” patuloy ni Mama Ella. “Ang tag-iya ng bahay ay si . . .”

“Miiyaaaaaaawwwwwww!” Parang maloloko na sa galit si Baling, ang pusang hari na ang buntot ay balibali.

Rebyu: Taong-tao, Taong-grasa ni Anton Juan

Kasama ang mga estudiyante ko sa San Agustin at ilang mga dating kapwa guro sa UP Hayskul ay nanood kami ng dula noong 1 Agosto 2014, sa UPV Auditorium na pinamagatang Taong-Grasa. Isinulat ng batikang mandudula at direktor na si Anton Juan at isinalin naman sa wikang Hiligaynon ng guro at aktor-direktor ring si Alfredo Diaz, na siya ring gumanap bilang taong-grasa.

Nagwagi ng unang gantimpala ang dulang ito noong 1982 sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature kung saan kasabay rin nitong nanalo ang dula nina Rene O. Villanueva na Nana at ni Leoncio P. Deraida na Si Mr. Daga, Si Mrs. Daga at ang Doktor. Matapos ang pagkapanalo ay naipalabas agad ang dula sa ilang lugar sa loob at labas ng bansa at kinalaunan ay ginawan ng pelikula.

Nakatutuwang makakita ng ganitong klase ng produksyon, iyung labas ngunit di naman nalalayo sa mga bunggaitang produksyong madalas nating napapanood sa mga tanghalan tulad ng sa CCP, NCCA at CAP dito sa Iloilo. Importante ang exposure sa mga ganitong uri ng pagtatanghal, sa pamamagitan kasi nito ay nagigiba natin ang ideya na ang dula ay palaging magarbo sa produksyon, at dahil nga magarbo ay mahal at pangmayaman lang.

Trafik, alikabok, at alinsangan ang mundo ng dula. Dinadala tayo nito sa mga tagpong napakapamilyar sa ating mga manonood, sa masikip, maingay, at mainit na lansangan. Kaya napakagaling ng installation na ginawa ng direktor bilang disenyo ng entablado na “tinai” o bituka ng syudad. Malinaw nitong naipabatid at naipakita ang metapora ng pagsasawalang-bahala at gutom. Mabilis nitong naipinta sa ating isip ang dumi, sikip, at dahas ng lansangan na itinuturing na tirahan ng taong-grasa.

Nakabibilib rin ang husay ni Alfredo Diaz bilang aktor. Taong-tao ang dating sa akin, kapanipaniwala ang pagganap niya, ang pagbigkas ng bawat salita ay tumatahi ng daan mula sa utak papunta sa puso kaya hindi lamang siya aktor o karakter na pinanonood, nagiging totoong tao siya, nagiging totoong taong-grasa na nagkukuwento ng mga bagay na nakikita nito at nasasaksihan sa loob at labas ng lansangan.

Mahusay rin ang make-up at disenyo ng damit, talagang nakadidiri sa unang tingin. Maliban sa nangangamoy kape sa tuwing lalapit sa manonood ang aktor. Ang lahat ng bagay na nakikita at naaamoy sa tanghalan ay kailangang may kinalaman sa ipinalalabas, kailangang maging partikular ang mga tao sa likod ng produksyon sa mga ganitong klaseng bagay. Naalala ko tuloy ang dulang napanood ko sa San Agustin tungkol sa gahum ng mga akda ni William Shakespear na may kinalaman sa aroma ng kape, doon may rason ang paggamit ng amoy ng kape, dito wala, kaya mahirap sagutin ang tanong ng mga estudyante kung bakit nangangamoy kape ang taong-grasa. Sa tingin ko rin, hindi na kailangan ang totoong paggamit ng pagkain ng manok, tulad ng paulit-ulit na bigkas nito, sigurado akong kaya na itong imadyinin ng mga manonood.

Para sa akin, hindi epektibo ang ingay lang ng mga sasakyan sa pagsisimula ng dula, kung gustong i-establish ang “lansangan” bilang tagpuan sa dula, sana ay gumamit ng multimedia presentation na magpapakita ng makatotohanang sitwasyon ng syudad o lansangan. At dahil nga hindi na lamang ito simpleng pagsasalin ng teksto mula sa wikang Filipino patungo sa wikang Hiligaynon, mas magiging makatotohanan sana kung sa pamamagitan ng multimedia presentation ay maisasakonteksto ang paggaganapan ng dula, para kasi sa akin, kulang na kulang ang pagbanggit lamang ng General Luna para sabihing nangyayari rin ito sa syudad ng Iloilo.

Problematiko rin ang lakas ng boses ng aktor, tila isinisigaw ang lahat ng linya upang maabot ang pinakamalayong manonood na hindi sana nangyari kung gumamit ng lapel o mikropono. Kung babalikan natin ang realidad, hindi naman palaging sumisigaw ang taong-grasa. Sa tingin ko, nakalimutang isaalang-alang ang katahimikan ng taong-grasa bilang mapagmatyag na uri ng tao, nakalimutang pakinggan ang taong-grasa sa mga pagkakataong mahinahon itong nagsasalita at hindi sumisigaw. O ang mismong pananahimik ng taong-grasa upang magpahiwatig ng mensahe na hindi kayang sabihin gamit ang mga salita.

Masarap pag-usapan ang mga ganitong klaseng tema, bagaman tila kinulang sa lalim ang salin, malayo sa kamalayan ng mga manonood na Ilonggo, mas gusto ko kasing maging kritikal sa estado ng pagtingin natin sana sa mga taong-grasa, sana ay nakapagkomentaryo kahit paano sa gobyerno o simbahan, mas gusto ko sanang makita kung umuusad ba ang pag-unawa natin sa mga ganitong klaseng usapin, na alam na alam nating hindi lamang ito usapin ng gutom kundi ng pagkatao at pag-iisip ng lipunan.

Kung minsan, mainam ang padala na lamang sa daloy at pagtatapos ng pinanonood na dula, ngunit ang tunay at makabuluhang dula ay nakapapasok hindi lamang sa aspektong emosyon ng manonood, kundi maging sa intelektwal na kapasidad niyang tumugon sa iniiwang hamon ng bawat pagtatapos ng pinanonood, dula man o anumang uri ng sining. Ganoon rin dapat ang artist, nakikinig ito sa sinasabi ng pinaglilikuran ng kaniyang sining, handa siyang makinig sa manonood na siyang nakakakita ng liwanag sa tuwing isinasara ang kurtina sa pagtatapos ng tanghalan.

Kaya magandang uri ng sining ang dula, mula na rin sa direktor nito, hindi ito produkto, ito ay isang proseso na hindi natatapos sa papel o sa unang pagtatanghal o ikalawang pagtatanghal, kaya puwedeng ayusin, baguhin, at iangkop sa pangangailangan ng manonood o market nito.

VML Subdivision
Syudad ng Iloilo
1 Agosto 2014

Tsapbuk: BABALA SA NILALAMAN, Mga Piling Binalaybay ng Buhay at Pag-ibig ni Noel G. de Leon

securedownload (1)

Babala sa Nilalaman
mga piling binalaybay ng buhay at pag-ibig
NOEL G. DE LEON

PDF:Babala sa Nilalaman, Mga Piling Binalaybay ng Buhay at Pag-ibig (Chapbook)
Published 2013 Kasingkasing Press in PDF form and chapbook
Edition language Filipino/Pilipino
URL https://hulotniguimo.wordpress.com
Other editions None found

Si Noel G. de Leon ay nagtapos ng AB Communication Arts ( Broadcast Journalism ) sa Unibersidad ng San Agustin taong 2011. Nagpakadalubhasa sa pag-aaral ng wika at panitikan ng Kanlurang Visayas partikular sa area ng Literatura ng Filipino sa Hiligaynon, kasalukuyan niyang tinatapos ang kaniyang Master’s Degree sa Unibersidad ng Pilipinas Visayas (UPV) kung saan siya nagtuturo ng Filipino sa hayskul. Aktibo siyang nagbibigay ng mga lektyur na may kinalaman sa pagpapalusog at pagtataguyod ng panitikang Hiligaynon. Miyembro siya ng Mirror Poetry Guild. Ang

Tsapbuk: Pagkatapos ng Kontrata at iba pang maikling-maikling kuwento sa Filipino ni Noel G. de Leon

securedownload

Pagkatapos ng Kontrata
at iba pang maikling-maikling kuwento sa Filipino
NOEL G. DE LEON

Para sa inyo ito, sabay-sabay nating pagsaluhan ang bahaghari ng pag-ibig, na kung di pa umulan ay di pa magpapakita, at mawawala pagkatapos.

PDF:
Pagkatapos ng Kontrata (Chapbook)
Published 2014 Kasingkasing Press in PDF form
Edition language Filipino/Pilipino
URL https://hulotniguimo.wordpress.com
Other editions None found

Si Noel G. de Leon ay staff writer ng Kalatas: The official publication of the Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas. Kasalukuyan niyang tinatapos ang kaniyang MEd sa Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas Visayas. Tubong Guimaras, nagsusulat sa Filipino at Hiligaynon, at nakapagsalita na rin sa mga pambansang kumperensya tulad ng Pilandokan, samahan ng mga kritiko at iskolar ng panitikang pambata sa Filipinas. Siya ang awtor ng Babala sa Nilalaman: Mga Tula ng Buhay at Pag-ibig (Kasingkasing Press, 2013) Maaari siyang makontak sa ngdleon@yahoo.com.